BULOG.... BULOG!!!
Tama hindi siya Blog...Bulog Talaga!
Isang umagang malamig dahilan sa "fog" na bumalot sa buong kabukirang hindi nalalayo sa aming tahanan.
Habang ako'y naniniyot ng isang kaakit-akit na gagamba sa kanyang sapot na may hamog...
Bulog!!! Bulog!!! Bulog!!!
"Magandang umaga Amang, ang kanyang magiliw na pagbati.
Siya ang mula sa aking pagkabata ay kilala nang si Mang German, may hilang bulugang baboy sa gitna ng bukid upang dumako sa kaparangan kung saan may isang kubong pawid na katabi nito ay kural at may ipabubulog na baboy...
Ganyan din lamang na may "kodak" ka halina at sumama ka at kuhanan mo nang larawan ang aking baboy habang kumakasta.
Pagkaraan ng may ilang sandali, natapos na ang ritwal at tinanong ako kung nakuhanan ko ang mga pangyayari.
Matapos kong ipakita sa kanya ang larawan, at kaginsa niyang sinabing hindi gaanong maganda, wala na tayong magagawa dahilan sa tapos na.
Hinila niya ang kanyang bulugang baboy habang buntong-hininga na winika...Hay! ang lamig ng hangin dito sa bukid. napakasarap damhin at pakinggan ang mga huni ng ibon at pagmasdan ang luntiang dahon ng palay!!
"Matagal ko na kayong nakikita sa hanapbuhay ninyong iyan, "Wika ko."
"A, oo, apatnapung taon na. Napaalila ako sa isang kamag-anak na ganito ang hanapbuhay, sa kanya ako lumaki, nagbinata st siya na rin ang naghanap ng aking mapapangasawa sapagkat ako ay likas na mahiyain at alam ko sa aking sarili na hindi ko kakayanin ang bumuhay ng pamilya." Gayon pa man, ayun at nakasal din at nagkaroon ng tatlong supling. Hindi ako nakapag-aral kaya sa pamamagitan nitong aking hanapbuhay na ipinamana sa akin ng aking kamag-anak bago siya namatay, dito ko hinugot ang pampaaral sa tatlo kong anak, isang marino, isang tapos ng IT at isang inhinyero. Eka nga, pinagbulugan ang lahat ng ipinakain at ipinang -paaral ko sa kanila. Kailangan lang talaga ang konting sipag, panalangin at tiyaga. Basta huwag lang makakalimot sa itaas.
"O siya, Amang, maganda ang ating pag-uusap, dangan nga lamang at maiinitan ang aking bulugang-baboy, hanggang sa muli nating pag-iirong".
"Maraming salamat Mang German sa mga ginintuang butil ng pag-asa na ipinagkaloob ninyo sa akin"
" O siya, hanggang sa muli, at maiba ako hindi German ang pangalan ko, pangalan iyon ng dati kong amo."
Sinipa na niya ang kanyang "Honda" umangil ang kanyang makina at gumulong palayo na hindi ko naitanong ang kanyang tunay na pangalan!
Isabelo...talaga naman pong rated PG ito...hindi "PARENTAL GUIDANCE" kundi PANG GULAT, kaya nga po BULAGA! Heheheh...
TumugonBurahin