Halos ay lumipad sa pagkakatindig
Nang ang manggagamot sa kanya’y lumapit.
Sakbibi ng lungkot panaghoy na impit,
Sa buhay ng anak na hindi nasulit.
Kanser ang naglugmok sa murang katawan,
Na siyang kumitil sa hiningang hiram,
Panlulumong labis ng isang magulang,
Nadama sa bunsong pinakamamahal.
At ang siruhano’y kagyat na nagwika,
Damahin mo ina bunsong namayapa,
Sa ilang sandali’y bayaang lumuha,
Kung sa iyong dibdib ikapapayapa.
Hinagod ng ina ang anak na mahal,
Pabaon ay ngiti sa kanyang paglisan,
Ang unibersidad ang kahahantungan,
Upang ang katawan ay mapag-aralan.
Kinuyom sa palad ang hibla ng buhok,
Tanging ala-ala ng paghihimutok,
Wala mang magawa, luha ay umagos,
Ang hiling ng anak ay kanyang sinunod.
Labag man sa loob na hindi malibing,
Ay pinaunlakan ang anak sa hiling,
Ang katawang lupa’y maa’ring suriin,
Kung sa ibang sakit ay ikagagaling.
Kay bilis lumipas ang anim na buwan,
Ngayon nga ang anak sa mundo’y lumisan,
Gintong ala-alang kanyang iniwanan,
Natatak sa puso at sa pagamutan.
Mahinhin ang lakad, masinsin ang hakbang,
Ang ina’y umuwi sa kanyang tahanan,
Ang silid ng anak marahang binuksan,
Dinama ang lungkot ng katahimikan.
May ilang buwan ding hindi nahawakan,
Ang damit sapatos at mga laruan,
Sa pagkakaayos walang kamalayan,
‘Di na matitinag, magpakailanman.
Sa paghihinagpis ano ba’t naluhod,
Sa gitna ng kama’y agad napasubsob,
Luha ay bumukal at sa gayong ayos,
Sa unan ng anak kagyat nakatulog.
Naupo natitig sa isang kawalan,
Mayroong nakapa sa kamang higaan,
Liham nitong bunso agad tinunghayan.
Huwag mag-alala sa
kinalalagyan,
Ang lahat ng tao’y ito ang hantungan,
Huwag akalaing ‘di ka minamahal,
Pangako ay lagi kitang babantayan.
Sa lugar ko ngayon ay napakasaya
Lalo’t kapiling ko ang lolo at lola,
Malayo sa hapis at pangungulila
Malapit sa puso at sa ala-ala.
Nakita ko ang Diyos ng harap-harapan,
Sandaling nadama ang kanyang kandungan,
Ang pluma niya’t papel sa ‘ki’y pinahiram.
Hawak mo na ngayon ang nagawang liham.
Si Anghel Gabriel ang naging dahilan,
Upang ang sulat ko’y mapasa yong-kamay,
Habang lumilipad sa ‘ki’y kumakaway,
Sa saliw ng tinig na nag-aawitan.
Nariyan ang sagot sa ‘yong katanungan,
Nang kailangan ko Siya, tanong mo’y nasaan,
Nong nasa bingit nitong kamatayan,
Katabi ko daw Siya sa aking higaan.
Noong nakapako sa malaking kurus,
Noong naghihirap, Panginoong Hesus,
Hindi iniwanan ng ating Amang Diyos,
Hirap ang pambayad sa salang tinubos,
Ako maging ikaw kahit na sino man,
Ang lahat ng tao’y kanyang minamahal,
Sa ‘ting paghihirap at kaligayahan,
Asahang ang Diyos ay nakaalalay.
Narito sa langit ang
ligaya’t aliw,
Ang pagmamahalang hindi magmamaliw
Wala na ang sakit, wala nang hilahil,
Sa kaligayaha’y walang sumasagwil.
Darating ang araw aking inang mahal,
Magkikita tayo sa kawalang-hanggan,
Sa kanyang salita ng pamamaalam,
Nagising ang ina sa katotohanan!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento