Biyernes, Enero 27, 2012

SI LITO-SIKYO!


     Sakay ng kinakalawang at hindi mamahaling bisikleta, pumapasok araw-araw si Lito sa Circa 1900 isang restaurant, kainan at inuman.. Security guard siya rito, sikyo sa madaling salita.  Alas singko ng hapon hanggang alas dos ng madaling-araw ang kanyang duty. Puhunan ang tining ng kalooban, matalas na pag-iisip at malakas na pangangatawan. Nagmamanman upang maiwasan ang kaguluhan at kung magkagayon man, handang ipara ang sariling buhay sa kamatayan sapagkat bahagi ito  ng didikasyon niya sa kanyang hanapbuhay.  Trabaho sa gabi, tulog sa araw.  Binabaligtad ang tunay na kakanyahan ng ikot ng mundo upang kumita ng pantawid-gutom. Kung tutuusin, kulang na kulang ang kanyang suweldo gayong buhay ang nakataya roon. Subalit hindi siya nagrereklamo sa buhay. Wala siyang hinanakit sa kung ano siya at kung ano ang nangyayari sa kanyang paligid.
            Mula sa kanyang inuupahang apartment sa Tangos ay dumadaan siya sa ilalim ng Baliuag Skyway. Nakatutuwa sapagkat medyo maluwag ng nakararaan ang mga sasakyan na galing sa Pampanga patungo sa bayan ng Baliuag. Ang paglalagay ng skyway na ito, bagamat hindi rin kaila ang perang ginugol ng pamahalaan dito ay naging tampulan din ng mga pagbatikos ng mga negosyante at ng ibang mga concerned citizen daw. Walang pakialam si Lito dito. Sapat na sa kanya ang may makitang proyekto na tunay namang nakatutulong sa mga tao.
            Manaka-naka pa rin niyang nararamdaman ang mabagal na daloy ng trapiko dahilan na rin siguro sa talagang madami na ang sasakyang pumapasada. Nakalulungkot na baka dumating ang panahon na sa dami ng sasakyan hindi na talaga sila makausad at hindi na makarating sa kanilang pupuntahan sa tamang oras.
            Gaano kadami na kayang usok ang nasinghot ni Lito at ilang aksidente na kaya ang kanyang naranasan sa gitna ng daan. Ilang tricycle driver na kaya ang kanyang nakakaaway sa dahilang wala silang ayos sa kanilang pagmamaneho. Singit ng singit at walang ingat kung makasagasa man sila. Kunsabagay sanay na rin siya sa mga nagmamalabis na driver dito. Kaya nga nagpundar siya ng bisikleta ay sa dahilang ilang ulit na siyang pinapagbabayad ng mga sakim na driver ng mahal, higit sa itinakdang pasahe ng pamahalaan.
            Saksi ang kanyang bisikleta sa mga makabagbag-damdaming pangyayari at tanawin dito sa Baliuag. Nariyan ang lubak-lubak na kalsada, ang itim na daloy ng patubig sa dami ng basurang itinatapon dito ng mga naninirahan sa tabi nito.  Dahilan upang minsan, isang matanda ang nalunod at namatay sa dami ng burak na kanyang nalulon. At ilang ulit na rin niyang naranasan ang pagbaha dito dulot lamang ng kaunting pag-ulan.
            Ang daang patungong plasa na may konkretong poste ng ilaw na may inisyal ng namumuno sa pamahalaan, ang Glorietta at ang plasa mismo na sa tuwing magpapalit ng pamunuan ay nagbabago rin ng anyo. Ang lugar ding ito ang tahanan ng mga namamalimos na mga bata at taong grasa na itinambak ng ibang bayan, ang palengke na tampulan ng away ng arranger at ng nagtitinda, ng namimili at nagtitinda, at ng kapwa mga tindera, ang simbahang pinatatag ng panahon, na hinihimok ang mga tao sa pagbabalik-loob sa Diyos at damhin ang pangangailangan ng kapwa, na sa dami ng nagsisimba lalo na kung Linggo, marahil ay may maganda na tayong bayan kung isinasabuhay lamang ang kanilang natutunan sa loob ng simbahan.
            Ano man ang mga nangyayari tuloy pa rin ang takbo ng buhay ni Lito. Umulan, umaraw ano man ang panahon, nariyan pa rin siya, mapanuri sa kanyang hanapbuhay ngunit hindi sa kanyang paligid. Basta ang mahalaga, ginagawa niya ang kanyang tungkulin sa abot ng kanyang makakaya.  Basta wala siyang nasasagasaang karapatan ng kanyang  kapwa.
            Si Lito, guwardiya, mapanuri sa kanyang hanap-buhay, mapag-matyag, tanod, bantay. Si LITO, binata, nag-iisa, naghahanap pa rin ng babantayan, ng panghabang-buhay!

1 komento: