Mayroon pa kayang lalo pang hihigit,
Sa alay ng Diyos sa Kanyang pag-ibig,
Dahil sa ginawang pagpapakasakit.
Handog ay biyayang galing din sa langit.
Inalok sa atin ay ang kaligtasan,
Kumatok sa puso ng bawat nilalang,
Pagtugon ay nais sa bibig ay tunghan,
At ang paanyaya’y hindi natugunan.
Tao ay nalugmok sa kapariwaraan,
Tinawid ang landas ng makasalanan,
Sa pagtawag ng Diyos, nagpaking-pakingan,
Kaluluwa’y lunod sa nais ng laman.
Kahit na ang tao’y natural na taksil,
Gayon man ay hindi sa atin nagtigil,
Ang Diyos na nag-alis ng lambong at sagwil,
Pinahid ang lahat ng dusa’t hilahil.
Ngunit gayon pa man pag Diyos ang nagmahal,
Sarili N’yang anak sa ‘ti’y inialay,
Iniunat sa krus ang dalawang kamay,
Tinubos ang sala nitong sanlibutan.
Ano ang habilin sa mga alagad?
Ano ang tugon mo sa Kaniyang tawag?
Di ba’t pagmamahal sa kapwa’y igawad,
At ang paglilingkod sa Kanya ng tapat!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento