Biyernes, Enero 27, 2012

SAN JUAN DE DIOS-mula sa sermon ni Mons. Andres Valera-March 8-Kapistahan ni San Juan de Dios


           Tunay nga na ang Ebanghelyo sa araw na ito ay naglalarawan ng buhay na tinahak ng ating banal na Patron: SAN JUAN DE DIOS. Sa kanyang pagtulong sa mga maysakit, may karamdaman, mga taong nangangailangan ng pagdamay.  Sapagkat sa bawat isang Kristiyano, ay ito rin ang itatanong sa pagharap niya sa Diyos sa huling paghuhukom.
            Kung ano ang ginawa natin sa pinakamaliit nating kapatid, iyan ay ginawa natin para sa Diyos. At sa buong buhay ni San Juan ay iyan ang kanyang pinagsikapang gawin.
            Siya’y isinilang noong taong 1492 sa Montemar, Novo Portugal. Dito, sa bata niyang gulang siya’y lumisan sa kanyang tahanan sa hangaring maglakbay, magkaroon ng karanasan sa daigdig, at iba-ibang gawain ang kanyang ginawa at gayon rin naman, mga karanasan. Hanggang sa isang araw matapos na siya ay hirap sa pagtitinda ng aklat sa gulang na 46, siya’y naglalakad at mayroong isang batang nag-alok sa kanya ng Granada, at ang sabi sa kanya’y “ang Granada ang magiging krus mo sa buhay.” At sa Espanya, ay mayroong siyudad na ang pangalan ay Granada kaya nga kanyang inari ang mga bagay na itong tila baga isang pangitain na ang Sto Nino’y nagpakita sa kanya at sa gayon ay nagpunta siya sa Granada. Dito’y nagsimula siyang magtinda ng aklat.
            Isang araw sa pangangaral ni San Juan ng Avila ay nakita niya ang kanyang makasalanang buhay. At sa gayo’y tumalikod siya sa kanyang buhay, mga karanasan, at nagsimulang yakapin ang Panginoon. Siya’y naglakad sa lungsod na dinadagukan ang dibdib at sinasabing siya’y makasalanan. Tinatawag ang mga tao sa pagsisisi at pagbabalik-loob. At dahil dito’y pinaghinalaan siyang nasisiraan ng ulo, at dinala siya sa isang bahay ng mga nasisiraan ng ulo. Subalit dito’y  pinuntahan siya  ni San Juan ng Avila upang palayain at upang ipakita ang tunay na tawag sa kanya ng Panginoon. Sa huli, siya ay nagtatag ng isang bahay na tumutulong sa lahat ng klase ng taong maysakit at nasisiraan ng ulo. Dahilan na rin sa kanyang naging karanasan kung paano trinato ang mga nasisiraan ng bait. Sa kanyang pagtitinda ng kahoy, pinagsikapan niyang suportahan at tulungan ang mga maysakit, hanggang sa huli, sa kahuli-hulihang sandali ng kanyang buhay, ayon sa kasaysayan, sa gulang na 65 siya ay pumanaw, ang dahilan din ng kanyang pagpanaw ay ang pagsisikap din na maligtas ang isang batang nalulunod. Tumalon siya sa ilog nang makita ang batang nalulunod. Nailigtas niya ito subalit siya ay dinapuan ng mabigat na karamdaman at ito ang kanyang ikinamatay.
            Sa araw na ito na ginugunita natin ang kanyang kapistahan, ang kanyang halimbawa ang tumatawag din sa ating lahat upang sa gayon ang mabuting balita ng Panginoon ay makita sa ating buhay. Sa pagtulong at pagkakawang-gawa, sa mga nagdurusa, sa mga dukha, sa mga may karamdaman, sa mga taong nakakalimutan na ng lipunan. Sapagkat ang tunay na buhay Kristiyano ay nakikita sa ating mga gawa. Hindi lamang sa magagandang mga pananalita.
            Ang mga banal na tao’y ibinibigay sa atin ng Simbahan upang maging halimbawa ng pagsunod sa Diyos. Ang halimbawa ni San Juan ang ipinakikita sa atin ng tunay na pagsunod sa Panginoon, sa pagyakap sa mga higit na kapus-palad.
            Kung minsa’y tinatanong ng mga hindi nakakaintindi sa ating Pananampalatayang Katoliko, bakit daw ba mayroon pang mga Santo? Bakit pa inilalagay ang mga Santo sa karo? Bakit nga ba?  Ang dahila’y itinataas natin sila bilang bayani ng pananampalataya. Kung ang bansa’y may bayani, ang Simbahan ay mayroon ding mga bayani, at ito’y ang mga banal na nasa langit na sa atin din ay kumakandili at nananalangin.
            Ang Parokyang ito ay itinatag sa pamimintuho at tagasunod ni San Juan De Dios. Sapagkat noong araw ang mga bukirin dito ang  siyang bumubuhay sa mga ospital na itinayo ng mga hermano ni San Juan De Dios at iba pang mga bahay sa Maynila. Sila’y mayroong malaking pamimintuho kay San Rafael. Sapagkat si San Rafael, gaya ni San Juan De Dios ay kinikilala ring patron ng mga maysakit. Kaya nga ang bayan ay itinatag, ito’y ipinangalan kay San Rafael at ito ang dahilan kung kaya sa ating parokya ay magkatambal na santong ito ang ating inaalala. Dalawang santo na parating ang nagging tanda ay ang pagkalinga sa mga maysakit o may karamdaman. Subalit dapat nating alalahanin lalo ngayong panahon ng Kuwaresma, na ang karamdaman ay hindi lang karamdaman ng katawan, kundi ng kaluluwa, lalo’t higit ang kasalanan. Kaya nga sila’y tumatayo upang tawagin din tayo sa pagbabalik-loob. Kung paanong tinalikuran ni San Juan ang kanyang buhay at siya’y nagbalik-loob sa Diyos.
            Ayon sa isang leyenda’y hindi daw nila alam ang apelyido ni San Juan. Wala pong nakaaalam ng apelyido niya. Nalimutan na sa haba ng panahon. Subalit dahil sa kanyang ipinakitang pagmamahal sa Diyos, tinawag siya ng mga taong San Juan De Dios, San Juan ng Diyos. Kay gandang makita na bawat isa sa atin, nana kapag kinakitaan ng mabuting gawa: Si Mario, si Marisa, si Miguel ay lagyan ng apelyidong-ng Diyos. Sapagkat tunay ngang ang bawat isang Kristiyano’y iyan ang dapat nating tatak na tayo’y mula sa Diyos at para sa Diyos. Na ang Diyos ang inihahatid natin sa bawat isa at sa ating kapwa-tao.
            Sama-sama sa banal na misang ito, idalangin natin na patuloy tayong pagpalain ng Panginoon sa pamamagitan ng mga panalangin ng mga Hermanong nagtalagang muli ng kanilang sarili sa paglilingkod sa Diyos, tayo din naman ay makasama ng mga banal sa langit! AMEN!   

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento