Biyernes, Enero 27, 2012

BENIGNO S. AQUINO, JR.



Bansang Pilipinas, bayang itinangi,
Lupang Sinilangan nitong aking lahi,
Kulimlim na araw kailan mapapawi,
Ulap na kumanlong kailan mahahawi.

Ewan ko subalit yaring abang buhay,
Ang hiblang hininga’y aking inialay,
Sa ikapupuri at ikariringal,
Sa ikalalaya nitong bayang mahal.

Nakamasid ako sa sikat ng araw,
Sa ningning ay salat, malungkot, mapanglaw,
Puno ng hinagpis at ng pagdaramdam,
Ang hiyas na sinag kaylan matatanaw.

Ipiniit akong bibig ay may busal,
Kinuyom ang aking damdami’t pananaw,
Hindi natatalos ang gabi at araw,
Ninais na ako sa mundo’y pumanaw.

Ganito ang laging aking nadarama,
Sa bawat sandali nitong pag-iisa,
Ang buhay ko nga ba ay walang halaga,
Ano’t di pa kit’lin itong pagdurusa.

Ngunit sa puso ko ang nagpapalakas,
Ang kababayan kong hindi makaalpas,
Sa kinatayunang lupaing malawak,
Hindi makagalaw, hindi makalipad.

Oo nga’t maluwang ang lupang tahanan,
Hindi makahakbang sa patutunguhan,
Sapagkat ang lupang kinatatayuan,
Ay ‘di masarili mayr’ong sumasaklaw.

Sundan mo ang landas ng ‘yong panaginip,
Tuwirin ang lisya’t pananaw na lihis,
Gising na, gising na at baka mangawit,
Ang pagkabangungot baka mo masapit.

Ano pa bang oras ang ‘yong hinihintay,
Ang nasimulan ko’y pagsikapang sundan,
Kumilos gumawa ng mga paraan,
Ang kalayaan mo’y ipakipaglaban.

Que sera? Ano man ang kahihinatnan,
Ang nasa isip mo ay bigyan ng daan,
Ang buhay na sa ‘tin ay ipinahiram,
Gamiting  maigi, guguling may saysay.

Upang matupad mo ang mga hangarin,
Ang landas mo nawa ay iyong tuwirin.
Pagdamay sa kapwa ay iyong isipin.
Ang bawat galaw mo ay ipanalangin.

Ika’y may dignidad ikaw ay may isip,
At may karunungang di malirip-lirip,
Kung may kapwang sa ‘yo’y nais na lumupig,
Ipagtanggol ito, buhay may kapalit.

Nakahahalina ang bayang Malaya,
Ito’y tanging alay ng ating Lumikha,
Ngunit may balakid at may sasansala,
Pakasikapin mong ito ay mawala.

Oras nang gumising sa pagkakatulog,
Damahin ang kapwang malaon ng pagod,
Kalagan ang taling kay tagal naigot,
Bayaang lumaya ang bayan mong irog.

Juventud mi amor! Mga kabataan,
Ikaw ang pag-asa nitong ating bayan,
Hindi sa bukas mo hindi sa kung kailan,
Ngayon ka kumilos ngayon ka kailangan.

Regalong buhay mong hatid mo aking Diyos.
Hindi man nagugol ng ganap at lubos,
Munting pagsisikap nawa’y maging handog,
Sa iyo ay alay kung ikalulugod!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento