Biyernes, Enero 27, 2012

BATINGAW NG SAN RAFAEL

SA PAYAPANG DAKO SA SINISIKATAN NITONG HARING ARAW,
AY MATATAGPUAN ANG LUPANG PAYAPANG AKING SINILANGAN,
LUNDUYAN NG GITING, MASIKAP, MATUWID, AT NG MATATAPANG,
LUPANG INIUGIT NG PATAK NG DUGO SA 'TING KASAYSAYAN.


ANG LUNTIANG BUNDOK ANG LAMIG NG HANGIN, ANG BAGONG UMAGA,
BULAKLAK SA PARANG, PALAYAN SA BUKID, AWIT NITONG MAYA,
ANG KATIWASAYAN NG PUSO AT ISIP DITO'Y NADARAMA,
TAAS-NOO KAMING LAGING NAKATUNGHAY SA BAGONG PAG-ASA.
NAKAHAHALINA ANG LINAW NG BATIS AT DALOY NG ILOG,
PAGPUSAG NG ISDA SA PAYAPANG TUBIG MAY ANGKING ALINDOG,
ANG LIHIM NG KWEBA ANG MARMOL NA PUTING LAGING NAKATANOD,
MAGPAPAALALA NG NAGDAANG SIGWA AT PANGGIGIPUSPOS.













REGALO NGA ITO AT ALAY SA ATIN NG POONG MAYKAPAL,
KAPALIT NG DUSA, LAYA AY NAKAMTAN NG MGA NAGPAGAL,
LUPANG ITINANGI, LUPANG SA ATING D'YOS IPINAGDARASAL,
ANG KATIWASAYAN NAWA'Y MAMALAGI SA BAYAN KONG MAHAL.




ANG BAYANG HINIRANG, ANG BAYANG TINUBOS NG DUGO AT PAWIS,
DATING NAKALUGMOK SA PAKIKILABAN NGAYO'Y NAKATINDIG,
ANG PASASALAMAT SA MGA NINUNO'Y WALANG KASING-HIGIT,
KAHIT NA NAGHIRAP ALANG-ALANG SA 'YO BUHAY AY 'BINUWIS.

FUEGO! ANG MALAKAS NA UMALINGAWNGAW SA GABING TAHIMIK,
KASUNOD AY PUTOK AT MGA HINAING WALANG KAHULILIP,
SA MGA TAHANAN NG MAHAL SA BUHAY PUNO NG HINAGPIS,
WALANG MAGAGAWA KUNDI ANG ILUHA ANG PUYOS NA DIBDIB.



ALA-ALA NA LANG ANG MGA NANGYARI AT KAPIGHATIAN,
'PAGKAT ANG KABILA NG DILIM NG GABI AY BUKANG-LIWAYWAY,
PINAKIPAGLABAN NG KANILANG SUPLING ANG AMANG NANGALAY,
UPANG MAGHIGANTI SA APING SINAPIT, LAYA AY NAKAMTAN.

EWAN KO SUBALIT DUGO MA'Y IBUBO HINDI PA RIN SAPAT,
NA PAMBAYAD UTANG SA MGA HILAHIL MGA PAGHIHIRAP,
ANG IMPIT NA HIYAW AY ISANG BATINGAW ANG KAHALINTULAD,
NA NAIS GISINGIN ANG MGA DAMDAMING SA LAYAW AY PUYAT.




LOOBIN MO O DIYOS NA KAMI'Y BANTAYAN SA AMING LANDASIN,
BAYANG SAN RAFAEL, TUGUNIN MO SANA ANG MGA DALANGIN,
GABAYAN ANG BAWAT PUSONG MAY PAG-ASA SA MGA MITHIIN,
 IPAGBUBUNYI KA PASASALAMATAN MAGPAHANGGANG LIBING.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento