Kay ningning mo
araw sa iyong pagsikat,
Buong katauhan ay
nagliliwanag,
Haring nakatunghay
sa kilos ng lahat,
Ang kapangyarihan
ay walang kasukat.
Sige pa o araw
init mo’y dadamhin,
Tanglawan ang
bawat hakbang ko’t gawain,
Ngunit ma’ari bang
ningas palamlamin,
Sapagkat tuyo na
maging ang damdamin.
Ano ang dahilan at
ngayo’y nagngalit
Ibinuhos lahat ang
taglay mong init,
Ang pakiramdam ko
ang lupa at langit,
Sa nararanasan ay
waring naglapit.
At sa pagkalugmok
paningi’y nagdilim,
Natakpan ang araw
nitong panginorin,
Nadama’y ligaya na
walang kahambing,
Ang paghihirap
ko’y nagwakas, nagmaliw.
Ulap ang katapat
nitong haring araw,
Upang pagbaguhin
ang kanyang pananaw,
Sa sikat mong
labis at nakakasilaw,
Nanaisin ko bang
madama ay ikaw?
Sa pagdidiliryo’y
aking naramdaman,
Ang labis na tuwa
at kaligayahan,
Ang init ng diwa
ngayo’y nahalinhan,
Ng lamig na dulot
ng tubig ng ulan.
Lumabis ang tubig
at nagsilbing baha,
Nalunod ang puso
nawalan ng diwa,
Hangin ang ginagap
ng katawang pata,
Lumaya ka unos
tigib na ang luha.
Hanging inaasam
ngayo’y maghari ka,
Tangayin ang lamig
dalhin mo sa iba,
Bawasan ang aking
ngayo’y pagdurusa,
Hindi makakilos
kalamna’y manhid na.
Kay daming ninais
kay daming hiniling,
Araw, ulap, ulan
at maging ang hangin,
Hindi kailangang
sila’y madaliin,
Sa takdang panahon
ay kusang darating.
Lahat ng nais ko
ay ‘di pinagkait,
Ngunit ang
hiniling sa akin ay labis,
Sapat lang ang
dapat na ating makamit,
Sapagkat sa buhay
ang sobra’y mapait!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento