Kristo, saan nga ba kita
makikita? Hindi ba, sabi mo naroon ka sa lahat ng dako, subalit bakit ganoon
lagi lamang kitang nadarama. Tinitingnan kita sa langit, subalit waring
nag-aalimpuyong dibdib ang hangin, bagyong kay lakas, kulog at kidlat na
tumataginting ang aking naririnig na tila wala nang katapusang ingay. Ngunit
pagdating ng umaga, kapag nakikita ko ang araw na unti-unting sumisilay sa
silangan, doon kita nadarama, naiisip ko na heto na naman ang bagong umaga,
bagong pag-asa, bagong pakikipagsapalaran, bagong biyaya.
Hinahanap kita sa aking
paligid. Wala akong kagandahang namamasid, putol na punung-kahoy, panot na
bundok, pulang lupang nanlalagkit sapagkat laging tinitigatig ng tubig na hindi
na makayang sipsipin ng bawat patay na punongkahoy. Tubig na nagpapadausdos
hanggang sa ibaba upang magsilbing baha at kumitil ng buhay. Subalit paglingon ko sa bukid, dama kita sa
mga luntiang dahong winawagayway ng sariwang hangin. Sa mga ibon na walang
maliw sa paglipad sa ibabaw ng palayan na umaawit pa sa isang masaganang ani.
Hinahanap kita sa aking
kapwa, wala akong mabakas na pinaghaharian mo sila. Ang namamasid ko’y mga
taong mapag-imbot, makasarili, walang pakialam sa kanyang kapwa, mga taong
hindi na tumutulong sa kanyang kapwa na silang nagiging sanhi pa ng kanilang
pagkarapa. Pagdapang dapat ay alayan ng paglingap subalit nagiging sanhi pa ng
kanyang paglubog. Subalit nadarama kita kapag ako’y nakakakita ng sanggol.
Narito ang isang batang walang malay na kaloob ng Diyos. Isang batang walang pagkukunwari sa kanyang
mga ikinikilos. Tumatawa kapag naliligayahan at umiiyak kapag nasasaktan.
Narito ang isang sanggol na waring ibinubuka ang kanyang pakpak sa pamamagitan
ng kamay at humihingi ng kalinga sa kanyang mga magulang.
Hinahanap kita sa aking
tabi, sa aking pagtulog, ngunit ang nakikita ko’y dilim sa sulok ng
kabahayan. Natatakot ako sa dilim. Baka
masilo ako ng asong gubat sa landas ng kadilimang aking tinatahak. Ah! Inaantok
na ako, ipinatong ko ang aking kamay sa aking dibdib, ano’t sa pagkapatong
nito’y nadama ko ang pintig ng aking puso, naalala kita Kristo, ikaw ang
nagbigay ng aking sarili sa akin, narito’t dama ko ang iyong pagmamahal. Sa
bawat pintig ng buhay na ipinagkaloob mo na hindi pumapalya mula pa ng aking
pagsilang. Oo nga Kristo, hindi nga kita nakikita subalit nadarama kita sa
lahat ng magagandang bagay na nakikita ko sa aking paligid!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento