Martes, Pebrero 14, 2012

...SA KAMPANARYO NG SAN RAFAEL!


Umuulan noon walang masulingan,,
Kinupkop sandali ng Inang Simbahan,
Dinampi ang lamig ng aking katawan,
Na tigmak sa tubig, kaluluwa’y tigang.

Sikip nitong dibdib, pusong nagdaramdam,
Hiling ay damhin ng, mapagpalang kamay,
Magamot ang sugat, maluwat ng taglay,
Hapo na ang diwa laman pa ay pagal.

Pagkat di madala ang hirap na pasan,
Ingay ng daigdig di na makayanan,
Nasaan ang hanap na kaligayahan,
Madilim ang sulok ng kapighatian.

Sa paghihikahos ng hangin sa dibdib,
Kumawala sa ‘kin ay hiyaw na impit,
Tumakbo sa dakong higit na tahimik
At iniluha ang tubig ng hinagpis.

At ang kampanaryo ang kinasadlakan,
Lumatag ang aking pagod na katawan,
Saglit lang at agad ako’y nagkamalay,
Sa hanging sariwang dito’y tinataglay.

Malaya ang matang pilit ginalugad,
Sa sulok ng diwa’y pilit na hinanap,
Kung ano ang dahil kung bakit may galak
Ang kaluluwa ko damdam ay umangat.

Narito, daigdig ang nilalarawan
Ng lugar na ngayo’y aking abot-tanaw,
Sa bandang kaliwa ay ang mga patay,
Sa kanang bahagi ay ang mga buhay.

Sa pananahimik at sa pagninilay
Kay lakas ng tinig na umalingawngaw,
Sa libingan, parang at sa kapatagan,
Dinggin ang pagtawag ng isang batingaw.

Sino mang may lungkot sino mang may hapis
Sino mang may dusang kay tagal tiniis,
Halina sa silong ng tahanang hitik
Sa mga biyayang nagmula sa langit.

Lahat ng nilalang ay tinatawagan,
Magsaya’t magpuri sa Poong Maykapal,
Halina mabuti at makasalanan,
Biyaya ng Diyos sa inyo ay laan.






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento