Nakalulungkot
isipin na dito sa Baliuag, Bulacan, may mga mangilan-ngilan pa ring kabataan ay
namamalimos. Ito na marahil ang kanilang nakasanayan sa buhay bunsod na rin ng
pagsang-ayon ng kanilang mga magulang. Subalit sa mga kabataan dito ay may
isang batang lalaki na nagsusumikap upang kumita sa isang magandang pamamaraan.
“Sampagita po!”
iyan ang malimit mong maririnig sa ilan sa mga bata na nagtitinda karaniwan sa
labas ng simbahan. Mayroong halo ng pamimilit upang sila ay bilhan.
Si “RJ” ay
labindalawang taong gulang lamang. Hindi mo mababakas sa kanya ang kanyang edad
dahilan marahil sa hindi sapat na pagkain araw-araw. Maliit sa karaniwan,
maitim, payat at may bahid ng dungis. Naiiba nga siya sa karaniwan sapagkat sa
kanyang murang isipan, naroon ang kanyang pagsusumikap upang kumita ng
ikatutustos sa kanyang buhay. Hindi kilala ni rj ang kanyang mga magulang.
Iniisip niya na buhay pa ang mga ito at minsan ay nangarap na Makita sila. May kapatid siya na mas matanda sa kaniya.
Hindi ko lamang sigurado kung tunay nga niya itong kapatid lalo na nang sabihin
niya na siya ay nasa pangangalaga ng kanilang lola na marahil ay kumupkop
lamang sa kanila sapagkat hindi man lamang daw nababanggit ng kanilang lola
kung sino ang kanilang mga magulang.
Ang pasasalamat
ni RJ ay ganoon na lamang sapagkat kahit paano, pinagkakatiwalaan siya ng
kanyang kapitbahay sa pagtitinda ng sampagita. Puhunan lamang niya ay pawis at
pagtitiwala. Umulan man o umaraw, inaabutan ng gabi sa lansangan maubos lamang
ang kaniyang sampagita.
Harinawa, ang
bango ng itinitinda niyang sampagita ay maamoy ng kapwa niya bata upang sundan
ang kanyang yapak. Sundan nawa nila ang halimuyak ng may dala ng sampagita lalo
na ang halimuyak ng pagsusumikap kumita sa malinis na pamamaraan upang mabuhay!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento