Lunes, Hulyo 14, 2014

PINAGTAGPO NG PANAHON



LAS CASAS FILIPINAS DE ACUZAR


Hindi hadlang ang lakas ng ulan upang tuntunin ang mahabang daan patungo sa “Las Casas Filipinas de Acuzar” sa Bagac, Bataan. Ito ay lugar kung saan muling nagtagpo ang landasin ng mga Past presidents na bumuo sa Soroptimist Bulacan North (SIBN).
Tunay na napakahalaga ng lugar na ito sapagkat kakakitaan mo ito ng mga lumang bahay na nanggaling sa iba’t-ibang sulok ng Pilipinas.  Ito ay araw ng pagbabalik-tanaw sa mga kasaysayang kaakibat ng bawat bahay  na itinayo mula sa orihinal na kalagayan nito sa kaniyang pinanggalingan.
Kasama ang butihing Past Governor Minda A. Garcia, pinagsaluhan ang isang pananghalian, pagkatapos nito ay binalikan nila ang mga pangyayaring naganap sa loob ng dalawang taong panunungkulan sa SIPR.
Nasa isang sulok lamang ako ng bulwagan subalit dama ko ang kalakhakan, ang kagalakang pumukaw sa katahimikan ng isang maulang lugar.

Pahapyaw na nagbabalik tanaw si Past Gov. Minda at ang Gov Elect na si Tita Cherry sa mga makabuluhang pangyayaring umugit sa kasaysayan ng Soroptimist International Philippine Region (SIPR). Damang-dama ko ang pasasalamat nila sa mga Past Presidents ng bawat Bayan. Pagbabalik tanaw sa mga maliliit na hadlang na pinagtagumpayan sa sandali ng kanilang pamumuno sa SIPR.
Hindi lamang mga pangyayaring humigit sa inaasahang kaganapan ng mga mithiin ang ipinagmalaki ni Past Gov Minda, higit sa lahat ang pagkakaibigan na mas kaniyang pinahahalagahan.



Ang nakaraang SIPR Gob. Minda A. Garcia, kasama ang Gov. Elect Cherry Tumaneng at ang mga nakaraang mga Pangulo ng SI Bulacan North, ay nagbalik tanaw sa mga nakaraang kasaysayan ng mga lumang bahay sa “Las Casas Filipininas de Acuzar,” ang pagtuklas sa mga haliging bato ng kasaysayan ang naging usbong ng pagtuklas sa mas mahalagang batong nakasalig sa pamakuan ng tunay na pagkakaibigan na may kakayanang magtagal mula noon, ngayon at sa kinabukasan!

Huwebes, Hulyo 3, 2014

Pagoda Festival 2014:PARA SA MAHAL NA POON NG KRUS NG WAWA !



 





        Noong unang Linggo ng Hulyo taong 1850. may nakitang lumulutang na krus sa bunganga ng Bocaue River o mas kilala noon na Wawang Capiz. Hinango ang krus ng isang mangingisda at ito’y dinala sa kanyang kubo hanggang maisipan ng  mangingisda na ibahagi ang biyaya ng pagkakakita sa krus at ipinasyang dasalan ang krus ng may isang taon hanggang napagkasunduang iparada sa ilog  na nakalagay sa isang malaking Bangka. Ito rin naman ay pinaliligiran ng mga maliliit na  Bangka upang mas marami ang makidiwang sa   prusisyong ito.
Pinaniniwalaang ang itim na krus ang siyang nagdadala ng kasaganaan ng ani ng mga Bocauenyo.  Mula noon ay taon-taon ang pagdayo ng maraming deboto  sa tinaguriang Pagoda Festival  na ginaganap sa Bocaue, Bulacan.
Ika-2 ng Hulyo 1993 sa halip na kasiyahan at banal na prusisyon ang muling maranasan sa Pagoda Festival, trahedya ang naganap.  Umabot sa 500 ang sumakay  rito at sa hindi inaasahang pangyayari, lumubog at 266 ang nasawi. Ang kabanalan at kasiyahan ay napalitan ng pagluluksa at  kapighatian.
Makaraan ang 21 taon, ang mga deboto ng mahal na itim na krus ay handa na muling buhayin ang tradisyon at  pananalangin. 
Handa na raw silang mag babang luksa sa nakalipas at nais simulan ang isang makasaysayan at  pagpapasalamat sa mga biyayang tinatanggap ng mga Bocauenyo.
 Sinisiguro nila ang mas matibay na pagoda at ang paghihigpit sa bilang ng mga debotong sasakay sa pagoda.  Maging ang Kapitolyo ng Malolos sa pangunguna ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado, Chief Jim Valerio, Senior Supt. Ferdinand Divina, at Hermanidad ng Pagoda Festival  kasama rin sina G. Ruben Mendoza at mga kasama ay naglaan ng araw  upang magkaroon ng pagtataya at magkaroon ng mga batayan at alituntunin upang masiguro ang kapayapaan, katiwasayan at pagiging ligtas ng mga deboto.

Sa kabila ng puspos na paghahanda, naniniwala pa rin si G. Jim Valerio na walang hihigit pa sa taimtim na panalangin ang bawat isa sapagkat ang kapanatagan, kaligtasan at pag-iwas sa mga sakuna ay pangunahing nakasalalay sa ilalim ng biyaya at pamamatnubay ng ating Poong Lumikha.