Ang kabalintunaan ng buhay ay
hindi niya maikakaila. Maging ang katotohanan ay hindi niya matatakasan.
Subalit ang katotohanang iyan ang sumasapat sa kaligayahang kanyang
nararamdaman. Nakasanayan na niya ang mga pagkabigla, panaghoy ng pagkatakot ng
mga bata, at mga nakakasukang panlilibak na ipinupukol sa kanya ng mga
matatanda. Higit na kaligayahan ang
nadarama niya kung mas masidhi pa sa pagkagulantang ang damdaming kanyang
nasasaksihan. Iyan nga ang kanyang naturalesa, ang siya ay katakutan at layuan.
Maliban sa kaligayahan, manhid
na ang kanyang katawan at wala na rin siyang pakialam sa pakiramdam ng
kapwa. Ang bawat pukol na kanyang
nadarama ay halakhak ang katumbas. Halakhak na kung may layang isakatuparan, ang
makaririnig lamang ng alingawngaw ay mga butil ng palay, mga damo sa pilapil,
mga halaman sa paligid, mga punong may luntiang dahon sa tarundon at ang
payapang asul na kalangitan. Wala siyang paraan upang matunton ang katotohanan
sa kanyang mga panaginip, at hindi na rin niya kailangang managinip sapagkat
nagdudumilat na ang katotohanan.
Paano nga ba niya natatagalan
ang pag-iisa at ang lamig ng gabi? Gaano nga ba ang pagtitiis niya sa panlabas
na saplot sa kanyang maliit na braso ngunit namumusargang katawan? Paano niya
natatanggap ang nakaririmarim niyang katauhan?
Ang lilim ng kanyang kaluluwa ay
pinagtagni-tagning dahon ng niyog na tinusok ng tinting na hinibla ng
kinakalawang na kampit mula din sa ubod nito. Ang init ng araw na tumatagos sa
kaibuturan ng kanyang katawan ang ilaw na tumatanglaw sa kalakhan ng mundong
kanyang ginagalawan. Saksi siya sa
pagsikat at paglubog ng haring araw. Ang pagsikat nito ang hudyat ng mga tao sa
kabayanan upang manaka-naka ay tumuntong sa kabukiran upang anihin ang bunga ng
kanilang pagpapagal. Saksi rin siya sa makasariling hangarin ng mga tao sa
panahon ng anihan na may kanya-kanyang paraan upang mas higit ang madagdag sa
kanyang kaban. Bawa’t isa’y nagnanais na malamangan ang iba. Maihahambing sila
sa mga talangka na nasa isang lalagyan na nag-uunahan sa ibabaw, ano ba at wala
silang pakialam kung mayroon mang masaktan. Katulad din ang mga tao sa mga
dagang nagpupulasan mula sa bangkang unti-unting lumulubog, nag-uunahan ding
lumutang kahit ang iba ay lumubog.
Hindi rin lingid sa kanya ang
mga tunog ng lagpas-balikat na hagupit ng tao gamit ang malaking lubid na
tumitimo maging sa makapal na balat ng kalabaw. Halos ay mapaluhod ito dahil sa
bigat ng kabang palay na nakasalansan sa maliit na karetang kumakayod ang tali
sa kanyang tagiliran. Idagdag pa ang mapagkit na lupang daanan na binasa ng
tatlong araw na sunud-sunod na pag-ulan
Natapos ang anihan. Bunton ng
dayami ang naiwan sa malawak na bukirin. Nakatayo pa rin siya na nakamasid.
Wala na ang ingay. Tanging ang isang
huni ng uwak ang sa kanya’y nakabantay.
“Aba!
Bihira ang sa akin ay dumadapong ibon. Ako nga ang dahilan ng paglayo ng mga
ibon upang hindi tukain ang palay upang malayang sumibol.” Patunay ang isang
masaganang ani.
Oo nga, isang uwak ang lumanding sa kanyang
kaliwang kamay. Hindi man siya makita sa kanyang tagiliran dama niya ang ligaya
ng minsan sa kanya ay may pumansin.
Patagilid na
dumukwang ang uwak sa kanyang kaliwang mata at tinuka ito. Nadama niya ang sakit ng dumudugong
mata. Dumaloy hanggang pisngi at bibig.
Maligayang minasdan ang masaganang pagdaloy ng dugo at siniyasat ang katayuan
niyang inaangkin. Nakaambang tutuka pa sa ikalawang pagkakataon ang uwak
subalit nakarinig siya ng tinig, tumungo ang ulo sa langit, lumipad at iniwanan
siya sa kalunus-lunos na kalagayan. Ang kaniyang manhid na katawan ay
nahalinhan ng walang kahulilip na sakit. Sakit na kanyang inihiyaw ngunit
walang nakaririnig bagkus tumagos sa panginginig ng kanyang buong katawan. Sa
ganitong ayos nakadama siya ng isang ibon na dumapo sa kanyang kanang balikat.
Hindi man niya lubusang nakikita ito subalit banaag niya ang busilak na kulay
ng isang kalapati. Nakadama siya ng nakaambang pagdamay subalit laking gulat
niya ng sakmalin ng tuka ng ibon ang kaniyang kanang mata. Mas masakit kaysa sa kaliwa. Sakit na ngayon ay tumagos na sa
kanyang kaluluwa at kamalayan. Isang impit na sigaw sa mga paghampas ng pakpak
ng ibon sa kanyang mukhang duguan. Ginutay ng kanyang mga kuko ang kanyang
mukha at leeg. Dumaloy ang masaganang dugo, hanggang mapalugmok ang kanyang ulo
na nakatuon sa lupa na halos ay kumalas sa kanyang nakadipang mga kamay. Sa
gayong kalagayan, lumipad ang kalapating hindi namalayan ang kanyang paghihirap
hangang sa maputol ang kaluli-hulihang hibla ng kanyang hininga
Kay ganda ng sikat ng araw. Kay bughaw pa rin ng
langit. Malabay pa rin ang mga luntiang dahong nakaduyan sa sangang sumasayaw
sa hihip ng hangin. Normal pa ring umiikot ang mundo. Walang nakapansin sa paglisan...ng isang nilalang!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento