Isang mapanglaw na gabi, kumukulog kumikidlat
Si Sisa’y ‘di mapakali punong-puno ng bagabag
Ang kaluto ay lumamig sa kahihintay ng maluwat
Pag-uwi ng dalawang anak sa puso ay tinitiyak.
Ang lagitik ng kawayan sa sulok ng kadiliman
Ang sa puso'y nagpasikdo sa ligayang inaasam
Mga paa’y di magmayaw, salit na nag- uunahan
Ang kusina ay nalapit sa malayo pang hagdanan.
Ang kaninang pananabik ay nadimlan ng pangamba
Lumalaot na ang gabi’y wala pa ang mga sinta
At sa kanyang pagtalikod nagdumali ang asawa
Nilantakan ang pagkain wala man lang itinira.
Umagos ang mga luha nasadlak sa isang sulok
Halos hindi makahinga waring punyal nakatusok
Nahati rin ang ligaya nang si Basilio ay sumulpot
Ngunit pagod at duguan, dagli siyang nakatulog.
Hindi na rin naikali si Crispin ay nasaan na ba
Ang dugua’y pinagyaman, ng nagdadalamhating ina
Impit yaring paghagulgol hilam sa luha ang mata
Nanginginig ang katawan sa mga anak na inaba.
Walang salitang angkop sa kanyang nararamdaman
Kung paano ilalahad ang mga kaganapan
Taglay pa rin ni Basilio maging sa balintataw
Ang panaghoy ni Crispin at pagsamong palahaw.
Mga walang kamalaya’t inosenteng magkapatid
Hinding hindi makawala sa matinding pag-uusig
Mismong ang Sakristan Mayor dahilan ng paghihigpit
Yaman nga raw ng Simbahan ay kanilang kinukupit.
Ang imbing Sakristan Mayor na s’yang naging taga-usig
Sa salang hindi ginawa ng kawawang magkapatid
Ngunit ang mga paratang ang siya ring iginigiit
Ang isang pagkakasala ipina-aaming pilit.
Walang puknat na hambalos ang naranasan ni Crispin
Nagpumiglas, nagsumubsob, ang sakit ay walang maliw
Si Basilio ay napatda nagngangalit ang mga ngipin
Tanging ang kanyang nagawa ipukpok ang ulo sa pader.
Aking kaka kung maari ay huwag mong iiwanan
Buhay ko ay kikitlin huwag mo kong pabayaan
Nagitla si Basilio habang unti-unting naparam
Ang lagatok ng mga palo at pahinang mga sigaw.
Sa gayong pangyayari ay tumakbong papalabas
Ang kapalaran ng kapatid ay hindi niya matanggap
Hilam sa mga luha, ang direksyon di magagap
Nadaplisan man nang baril hindi ininda ang sugat.
Mag aagaw dilim pa lang tinungo na ang simbahan
Ang kapalaran ni Crispin ay nais na niyang malaman
Ngunit lubhang mga tikom ang bawat mapagtanungan
Guwardia Sibil ang nagtulak upang umuwi ng tahanan
Basilio, Crispin, mga anak kayo baga ay nasaan
Ang inang namimighati matitiis nyo bang saktan
Hindi ko matitiis na di kayo masilayan
Hungkag itong aking puso isip ay di makayanan
Walang araw walang gabi at sandali na sinayang
Halos ay nanlilimahid nakababad sa lansangan
Labis ang paghihinagpis nakatungo sa kawalan
Kumawala na ang isip sa labis na kalungkutan.
Dagdag pa ang pag-uusig nitong mga guardia sibil
Sa patuloy na paghanap kay Basilio at Crispin
Makita man kahit hindi may bagabag may panimdim
Bawat araw na dumaan sumusugat sa damdamin
Sa sulok na hindi hayag ay may isang kaluluwa
Tiim-bagang ang pagluha, nanlilisik ang mata
Walang lakas na damayan, ang nagwawalang ina
Bawat tawag, bawat hiyaw tumitimo sa puso niya.
Sumasayaw umaawit sa kainitan ng araw
Kapag pagod humahalik sal upang tinatapakan
Kapag nalulugmok ang ina o kay sakit na mamasdan
At nakakandado lagi sa walang rehas na kulungan.
Nakadudurog ng pusong minsan ay napagmasdan
Mula ulo hanggang paa ang ina ay duguan
PIna-awit pinasayaw ngunit ng di nagustuhan
Hinambalos at binugbog hanggang manghina ang katawan.
Sa halos walang ulirat ang ina’y pasuray-suray,
Sa libis ng kanilang nayon ay panakaw na sinundan
Nang magawi sa sang sulok malapit sa kakawayan
Hagulgol at biglang hatak sa duguang mga kamay
Kagyat na niyakap ang inang kay luwat na nagkalayo
Nakilala nitong si sisa ang anak niyang si Basilio
Madamdaming sa kagubatan ang dalawa ay nagtagpo
Sa kandungan ni Basilio, buhay ni Sisa ay naglaho.