Martes, Oktubre 6, 2015

SA PILING NG MGA ANGHEL

              (Mula sa pahayag ni Reb. Padre Dennis Espejo sa pagdiriwang ng "Angel Festival" sa Parokya ni San Juan De Dios sa bayan ng San Rafael. Si Fr. Dennis ang nagpasimula ng pagdiriwang na ito 14 na taon na ang nakalilipas) 









            Labing apat na taon na ang nakalipas. Tandang tanda ko pa kung saan ang unang taon ko dito sa Parokya ng San Rafael ay lubhang malungkot. Nagpunta ako na nag iisa ni walang sumalubong.. Gaya ng unang salta sa isang bagong parokya ang pagkalungkot sana ay maiibsan kung may signal man lamang ng cellphone na kinailangan pang maglagay ng mataas na kawayan upang makasagap ng signal, kaiba sa aking pinanggalingan sa Inmaculate Conception School for Boys. Wala akong higaan maliban sa biniyak na kahon ng gatas. Ang kalungkutang yaon ang nagbunsod upang madama ang pangangailangan ng Parokya. Kailangang masaya ang pamayanan ng Diyos lalong higit sa pagtaas ng antas ng pananampalataya ng mga nasasakupan ng parokya. Noon namin naisip, kasama si Atty. Emily Viceo  ang mga punong-guro ng bawat paaralan ang pagkakaroon ng unang pagdiriwang ng “Angel Festival.” Walang binanggit na salapi, walang malaking gantimpala, walang ibang tumulong kundi ang mga mamamayan ng San Rafael.

                Bakit nga  ba “Angel Festival?” Ang sarap damahin kapag sinabihan kang mukhang anghel, masuyo, masunurin, masaya at higit sa lahat, sugo ng Panginoong Diyos. Nais ng Panginoon na magmistulang anghel ang mga tao ng San Rafael. Harutan nga ng mga karatig bayan, huwag mo daw  naising mamatay sa araw na ito sapagkat wala daw anghel na sasalubong sa iyo mula sa langit sapagkat narito daw lahat sa lupa, sa bayan ng San Rafael.

                Labing apat na taon na ang nakalilipas, napananatili pa ba ng mga taga Parokya ang layunin ng pagdiriwang na ito? Naging maka-anghel ba ng ating mga ugali? Natularan ba natin ang anghel sa pagkakaroon ng malinis na katawan at kalooban?

                Ang tema ng kapistahan ngayon ay “Paghilom at Pagsulong.” Batid natin na ang dalawang patron, San Juan De Dios at San Rafael ay pintakasi ng mga may sugat ng katawan at naghihilom ng panimdim ng puso, at sa paghilom nito, nakalaan ba ng ating sarili sa isang pagsulong sa pagtaas ng antas ng ating pananampalataya. May nabago na ba sa ating katawan, sa ating puso, sa ating pananampalataya?

                Nais ng Kapistahang ito ng mga Anghel ang pagpapatuloy sa mga nasimulang layunin ng pagdiriwang na ito:

                  >>Paggawa ng mga bagay na mag-aangat sa atin sa gawain ng kabanalan na nag-uugat pa pagmamahal ng Diyos.

         >>Pagsulong sa gawain pananampalataya na nakabatay sa mga bagay na spiritual at hindi sa mga material na bagay lamang.

                Halina mga kapatid, pasayahin natin ang  ating Parokya, sa pamamagitan ng pagsaliw sa tugtuging maka-anghel

                Pamalagiin ang init ng pananampalataya. Pag-isahin ang parokya, Manalangin sa Diyos katulad ng panalangin ng Anghel para sa ikalulunas ng sakit ng katawan at kaluluwa.

Panatilihin ang pag-ibig upang maranasan,  madama ang kaligayahan at kasaganaang nakabatay sa Panalangin ni San Juan De Dios at San Rafael na nakasalig sa Biyaya ng Diyos.

Sa huli, at muli narito ang Tatlong

pangunahing layunin ng Angel Festival
1) palalimin ang pananampalataya sa Diyos

na magdudulot ng kasiglahan ng

pamayanang Kristiyano

2) pagkaisahin ang bayan ng san rafael na

magdadala ng tunay na pag unlad/progreso

3) ipakilala ang bayan ng san rafael sa

bansa(promotion of tourism)