Lunes, Enero 20, 2014

BUSTOS, BULACAN: MINASA NG KASAYSAYAN!



Makailang ulit  na rin akong naging saksi sa mga pagtatanghal na ginaganap kaakibat sa pagdiriwang ng Minasa Festival sa Bustos, Bulacan. At sa bawat pagdiriwang na ito, kakaiba sa bawat taon ang ipinakikitang pagbabagong anyo ng makasaysayang kaganapang ito.

Isa ako sa mga nais lamang makakuha ng magandang larawan sa mga mananayaw ng ibat-ibang paaralang kalahok sa bawat “Street Dancing” at “Showdown Competition”. Noong una, iniisip ko na sa maringal na mga palatuntunang ito lamang natatapos ang kasiyahang dulot nito. Subalit sa bawat taon na nadadagdag, ibayong kasiyahan bukod pa ang ibayong kaalaman na siya ring sumusubaybay sa bawat mamamayan hindi lamang ng Bustos maging sa karatig bayan.

Isang simpleng pang araw-araw na pagkain, ang minasa, subalit dahilan sa pagkakataong ibinigay ng Pamahalaang Bustos, sa pamamagitan ng magiting na Alkalde Arnel Mendoza, dito nagsimula ang simpleng kaalaman kung paano ginawa ang pagkaing ito. At mula sa simpleng paraan na ito lumawig din ang kaalaman mula sa sangkap, sino ang nanguna, sino ang lumasap, hanggang sa tugaygayin ang panahon ng pagsilang ng minasa, panahon kung paano nanlumo, nalugmok at kung paano bumangon ang bayang ito.
Masasaksihan  ang ilan sa mga pagbabalik tanaw sa kasaysayan sa pamamagitan ng Imnong mismong ang Alkalde ang kumatha at mga maiikling pelikula kasaliw ang awiting nilikha na sadyang inilaan lamang sa Minasa Festival.
Lumawak na rin ang landas ng pagdiriwang mula sa simpleng Bustos, nakarating na rin ang pagdiriwang sa SM City Baliwag. Dito nagkaroon ng isang eksibisyong mga larawan ng mga pangyayaring naganap at nagaganap sa Pamahalaan ng Bustos.
Kaalinsabay nito ang pagkakaroon ng isang maikling panayam na mula pa sa mga paham ng ibat-ibang sulok ng Pilipinas na hinihikayat ang mga mamamayan na payabungin pa ang pagsasaliksik sa mga tagong yaman ng kasaysayan ng Bustos.

Minasa, isang simpleng pagkain, subalit naging daan upang matunton ang natatagong kayamanang pangkasaysayan na pinagdaanan ng mga ninuno ng Bustosenyo, ikikakawing sa mga pangyayaring nagaganap sa kasalukuyan at siya ring daan upang “masahin” ang kaunlaran ngayon at mas higit pa sa kinabukasan!




Ang mga bihasa na siyang nagbigay ng maikling panayam sa pagbubukas ng MINASA FESTIVAL na ginanap sa
SM CITY, BALIWAG!


BB. LAILA LABAJO
"Cultural Heritage Mapping"

BB. ANNE LAZARO
"Kaluto ng Bustos"

G. ARVIN D. EBALLO
"Kahalagahan ng Pananampalataya"

G. JUAN MIGUEL SAN PEDRO
"Historical Houses in Bustos"

PROF. ALBERT BANICO
"Punong Tagapagpakilala"