Miyerkules, Marso 7, 2012

DINALAW AKO NG ATING MAHAL NA INA!


                       
Karga ang mabibigat na pasanin sa dibdib, sanhi ng mga alalahanin, tila baga isang daga na walang masulingan, nasumpungan ko ang aking sarili sa  bundok na inialay  sa Mahal na Ina ng Piat (Pagdalaw).
            Malaki sa di karaniwan ang tiyan ng aking biyenan. Matagal ko nang sinasabi na magpatingin sa doktor subalit walang lakas ng loob.  At umabot sa panahon na ilang buwan lamang, nadoble ang kanyang laki, hindi na makatayo sa bigat na daladala, at inihanap ng sana ay mura subalit may kalidad na ospital sa ganitong karamdaman. At ihihanda ang operasyon. Sa dami ng komplikasyon, ang unang usapan ay nadagdagan ng halos triple,  kung saan halos lahat ng gastos ay inutang sa mga mababait na kamag-anak at kaibigan. Mas higit ang naging kalungkutang nadama ng pamilya sapagkat ang operasyon ay naganap nang pasko at bagong taon.
            Nakatawid sa isang komplikadong operasyon ang aking biyenan, bagamat may indikasyon ng kanser, at paulit ulit na dinadala sa doktor upang kuhanan ng tubig sa baga at sa tiyan, hindi kami nagsasawa ng aking kabiyak sa pag-aalaga sa kaniya sapagkat ayon kay Rev. Fr. Egay, habang nananalangin ng kagalingan,  hindi lang ang maysakit ang malapit sa Diyos kundi ang matiyagang nag-aalaga din. Umaasa at nananalig kaming kasama namin ang Mahal na Ina ng Pagdalaw sa pananalangin sa Diyos sa kanyang kagalingan.
           
Kaalinsabay ng Pananalangin ng paggaling sa aking biyenan,  ang aking anak na si Jose, isang nars ay matagal na ring  nais magkaroon ng hanapbuhay. Lubha nga na nakalulungkot sapagkat sa kabila ng aming kahirapan, iniraos namin ang pagbibigay ng salapi sa isang “recruiter” na umasang makapupunta sa Macau upang makatulong sa pagpapagamot sa kanyang lola.
           
Ang pangakong isang lingo lamang at makatutuntong na sa Macau ang aking anak ay naglaho kasabay ng paglalaho ng recruiter tangay ang perang aming ibinigay. Maging ang kaibigan naming nag amuki sa mga bagay na ito ay nawala na rin.       
Ikawalo ng Disyembre, marubdob ang aking panalangin sa Mahal na Birhen ng Piat na harinawa ay bigyan ako ng indikasyon sa kapalaran ng biyenan ko maging sa aking panganay na anak. Ang panalangin ng kahilingan ay wala sa loob ko na ipinakiabot kay Ate Nene na noon ay hindi ko pa siya kakilala. Sa loob ng misa ng panalangin, naganap ang isang “raffle” at sa kabutihang palad, nakatanggap ang aking anak ng isang bote ng langis. May higit sa libo ang naroroon, at magandang indikasyon kako ito para sa kapalaran ng aking anak.
           
Pakaraan ng dalawang araw, nakatanggap ng kalatas ang aking anak na nagsasabing magsadya sa ahensiyang pinag-aplayan niya halos isang taon na ang nakararaan. At noong ika-14 ng Disyembre, inihatid namin siya sa “airport” patungong Saudi Arabia.
            Ang isang matagumpay sa isang komplikadong operasyon ng aking biyenan na si Corazon, at ang paghahanapbuhay sa Saudi ng aking panganay na anak, ilan lamang ito sa mga panalangin sa Diyos na nagkaroon ng katuparan, kasama ang Mahal na Ina ng Piat.
           

Dumalaw ako sa Mahal na Ina ng Piat sa bayan ng DRT, subalit mas higit na dinalaw  ng Mahal na Ina ang aking buhay, ang aking Pamilya at patuloy na sinasamahan ako sa aking mga panalangin sa Diyos.----- olebasisotnas@yahoo.com