Lunes, Disyembre 25, 2017

ANO ANG KAHULUGAN NG PASKO, SA BUHAY MO?



Ah! tapos na ang pagdiriwang ng Pasko, kung saan ang iba ay kinukwestiyon ang mahabang pagdiriwang na ito, kung ano ang kahulugan, kung kailan talaga at ang kung ano ang maidadagdag sa isang tao sa aspeto ng pananampalataya. Sa akin hindi ang kung kailan ipinanganak, ang dami kayang tao, na kapag tiningnan mo ang araw ng kapanganakan na nakatala sa PSA, iba ang nakalagay sa tunay na araw ng kapanganakan. Well, ang mahalaga naisilang at naging bahagi ka ng iyong mundong ginagalawan. 

Ang Pasko, Paskuwa, ang unang Pagtawid, ang kapanganakan ang siyang ipinagdiriwang sa araw na ito, at ang bawat galaw ng mananampalataya ay nakabatay sa sabi ko nga sa mga kahulugan, sa pananaw, at higit sa lahat, sa kasaysayan.
Ilan sa mga simbolo na hindi gaanong napapansin ay ang paggawa ng Advent Wreath at ang Apat na kandila na nakapaloob dito. Hindi ito ginawa ng gayon na lamang, ito ay nakabatay sa malalim na pananaw.

Ang apat na Advent candle, tulad ng Advent wreath, ay may mga simbolo rin at kahulugan.
Ang unang kandila ay simbolo ng PAG-ASA bilang paghahanda sa pagdating ng mananakop at ito ay tinatawag din na PROPHET'S CANDLE.
Simbolo naman ng KAPAYAPAAN ang ikalawang  kandilang sumasagisag sa kapayapaan ng puro sa kabila ng magulong mundo. Kapayapaan o panatag na kalooban sapagkat darating ang tagapagpayapa ng sanlibutan, si Hesus.
Si Hesus ay dumating na, ang lahat ay nagagalak sa pagsilang niya.

Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya't ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng BUHAY NA WALANG HANGGAN.
Ang kanyang buhay simula pa ng pagkapanganak, ay simbolo na ng Pag-ibig!
Bagamat hindi ko matukoy ang mga sunod-sunod na kandila sa bawat Linggo, ang mahalaga nariyan ang pagkilos na may kahulugan.
Natapos na sa wari ang Pagdiriwang ng Pasko, subalit kung tutuusin, ito lamang ang simula ng paglalakbay ni Hesus at ng mga tao, ang ibang Advent Wreath ay lima ang nakalagay na kandila, bukod sa apat na makahulugang kandilang ito na sumasagisag sa apat na LInggo, may isa pang mas malaking kandila na sinisindihan, tanglaw sa pagkapanganak kay KRISTO!
Harinawa, ang limang kandilang ito ay manatiling nagniningas sa buong araw ng taong darating na 2018 at ang Malaking kandilang si Hesus naman ang magningas na tatanglawan ang buo nating buhay, mula sa pagsilang hanggang sa ating PASKO, sa ating pagtawid sa kabilang Buhay, Amen!